TUGUEGARAO CITY-Muling nakapagtala ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ng bagong casualty sa covid-19 na isang lalaking foreigner na kasalukuyang nakatira sa Isabela.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC, isang linggong nakaadmit sa Isabela Doctors General Hospital ang 53-anyos na pasyente dahil sa sakit na Pneumonia, diabetes , sakit sa puso at mayroon ding lagnat at ubo.
Nitong Setyembre 12, 2020 ay inirefer sa CVMC ang pasyente dahil nahirapan silang iintubate ngunit kalaunan ay namatay din.
Sinabi ni Dr. Baggao na batay sa resulta ng swab test nito ay positibo sa virus.
Ang pasyente ay isang Pakistani na matagal nang naninirahan sa Ilagan City, Isabela kung saan siya nakapangasawa.
Wala naman umanong travel history ang pasyente at tanging ang pagsundo sa kanyang asawa na nagtitinda sa public market ng Ilagan ang ginagawa nito kung kaya’t kasalukuyan pang inaalam kung paano nahawaan ng nakamamatay na virus ang pasyente.
Samantala, kinumpirma rin ni Dr. Edwin Galapon, provincial health officer ng Nueva Vizcaya ang ika-9 na nasawi dahil pa rin sa covid-19 sa nasabing probinsiya.
Sinabi ni Galapon na namatay sa covid-19 complications ang pasyente na si CV939, isang 59-anyos na lalaki na mula sa Bagumbayan, Dupax del Sur.
Kung idadagdag ang dalawa, nasa 17 na covid 19 positive patients ang namatay na sa Region 2.
Inihayag pa ni Dr. Baggao na dalawang suspect case mula sa bayan ng Allacapan at Brgy. Gadu, Solana ang binawian din ng buhay sa CVMC.
Sa ngayon, kasalukuyan pang hinihintay ang resulta ng swab test ng dalawang pasyente para malaman kung sila ay positibo o hindi sa virus.
Sa ngayon, 19 na confirmed cases ng covid-19 ang kasalukuyang minomonitor sa CVMC kung saan 15 dito ay mula sa Cagayan at apat sa Isabela.
Sa Cagayan, sampu dito ay mula sa Tuguegarao City partikular sa Brgy. Atulayan Norte , Centro 9, Cataggaman Nuevo, Linao East at west, Ugac sur, Caggay at Pengue Ruyu na nakapagtala ng tig-isang kaso at dalawa naman sa Brgy. Dadda.
Habang tig-isang pasyente ang galing sa Brgy. Alimanao, Penablanca; Sta. Maria, Lallo; Tallang at Poblacion, Baggao at Cabisera Norte sa bayan ng Gattaran samantalang apat naman ang galing sa Isabela particular sa Tagaran, Cauayan; Aurora, Alicia; Ugad, Cabagan at San Manuel.
Nasa 19 rin na suspect cases ang naka-confine sa naturang pagamutan kung saan 13 dito ay mula sa Cagayan, lima sa Isabela at isa sa Kalinga.