Hinihinalang nagpakamatay ang isang 29-anyos na lalaki matapos tumalon sa ika-10 palapag ng kanyang tinutuluyang hotel sa Cubao, Quezon City.

Kinilala ng Quezon City Police District station- 7 Cubao ang biktima na isang binata, self-employed at residente ng Masbate.

Naganap ang insidente dakong 9:11 ng gabi nitong nakalipas na Lunes, Agosto 11, 2025 sa isang Spring Hotel sa Aurora Blvd., Brgy. San Martin, De Porres, Cubao, QC.

Sinabi ng Cubao police na ang biktima ay nag-check-in sa naturang hotel at agad nagtungo sa kanyang assigned room sa 10th floor ng naturang hotel.

Nabatid pa sa ulat ng pulisya na napansin ng isang staff ng hotel habang gumagawa ng kanyang duty sa laundry area na nakaupo ang biktima habang umiiyak at halatang problemado.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil nag-aalala sa kalagayan ng biktima, agad ipinagbigay-alam ng witness sa naka-duty na security guard ang kalagayan ng biktima.

Agad umanong pinuntahan ng security guard at isang hotel receptionist ang biktima subalit habang papalapit sila sa biktima na nakatayo sa pader ay biglang walang sabi-sabing tumalon ito mula sa naturang gusali ng hotel na naging dahilan ng kanyang kagyat na kamatayan.