Muling kinilala ng Department of Trade Industry (DTI) Region 02 ang lalawigan ng Cagayan sa pagkamit nito ng award bilang 26th Most Competitive Province sa buong bansa sa ilalim ng Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) Survey.

Ang CMCI Survey ay taunang ranking ng mga siyudad at munisipalidad sa buong bansa na nakatuon sa apat na mahahalagang “pillars” kabilang dito ang Economic Dynamism, Government Efficiency, Infrastructure, Resiliency, at Innovation. Ang provincial rankings naman ay naka-base sa populasyon at income weighted average ng kabuuang scores ng lahat ng siyudad at bayan sa ilalim ng isang lalawigan.

Ayon kay Jenifer Junio-Baquiran, Provincial Tourism Officer, mula sa 82 probinsiya sa bansa, itinanghal na 26th Most Competitive Province ang Cagayan na nagpapakita ng umuusbong na kalakalan at ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng lalawigan na siyang makaaakit sa local at international investors.

Ayon kay Junio-Baquiran, ang pagpapanatili ng lalawigan sa pagiging Most Competitive Province ay nagpapakita sa matagumpay na pamamahala ng administrasyon ni Governor Manuel Mamba.

Binigyang-diin niya ang malaking proyekto sa Lalawigan na Cagayan International Gateway Project na magbubukas sa international trade na tiyak na magpapalago sa ekonomiya ng probinsiya.

-- ADVERTISEMENT --

Isa rin sa naging malaking kontribusyon dito ang pagbibigay halaga sa infrastructure development sa buong lalawigan tulad na lamang ang pagsasaayos ng lahat ng provincial roads at ang pagtatayo ng ibat ibang pasilidad lalo na sa larangang ng turismo.

Samantala, ilang bayan din sa Cagayan ang kinilala sa iba’t ibang pillars. Kabilang dito ang Santa Praxedes, Amulung, Gonzaga, Claveria, Allacapan, Lal-lo, at Tuguegarao City.