Tuguegarao City- Kinumpirma ng pamunuan ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) na “COVID Zero Active Cases” na ang lalawigan ng Cagayan matapos magnegatibo ang huling resulta ng pagsusuri sa isa pang natitirang pasyente sa naturang ospital.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, negatibo na sa virus si PH 3668 na isang lalaki at nurse na mula sa tanggapan ng Department of Health Region 02.

Ayon kay Baggao, bagamat negatibo na sa naturang sakit ang pasyente ay kailangan pa rin nitong dumaan sa 21 days quarantine.

Ngayong araw (April 16) ay nakatakdang dalhin sa quarantine facility ng DOH si PH 3668 upang doon mamalagi para sa kanyan quarantine period.

Mababatid na nakapagtala ang CVMC ng 18 bilang ng COVID-19 confirmed patient at ngayon ay negatibo na ang mga ito sa naturang sakit.

-- ADVERTISEMENT --

Paliwanag nito, malaki ang naitulong ng ginawang close monitoring sa upang mabantayan ang kalagayan at kondisyon ng mga pasyente.

Malaki naman ang pasasalamat ni Baggao na walang naitalang casualty sa mga pasyenteng naadmit sa naturang tanggapan.

Sa ngayon ay patuloy naman ang pag-apela nito sa publiko na huwag maging kampante at sumunod sa mga ipinatutupad na batas at alituntunin upang tuluyan ng mawakasan ang banta ng COVID-19.