Nangunguna na ang lalawigan ng Cagayan sa may pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 sa bilang na 1,875 sa buong rehiyon dos.
Sumunod ang lalawigan ng Isabela na may 1,795 na aktibong kaso; Nueva Vizcaya sa 383; Quirino sa 316; at Santiago City sa 110 na pawang mga nakategorya sa ‘Community Transmission’.
Nananatili namang walang aktibong kaso o zero active case sa lalawigan ng Batanes.
Base ito sa pinakahuling datos na naitala ng Department of Health- Cagayan Valley Center for Health Development na kung saan ay umaabot sa 4,479 ang aktibong kaso ng COVID-19 matapos maitala ang karagdagang 279 na bagong kaso o nagpositibo sa virus.
Kaugnay nito, 37,399 na ang total COVID-19 confirmed cases sa rehiyon at sa naturang bilang ay umakyat na sa 32,080 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober sa virus matapos maitala ang 430 na mga bagong gumaling.
Gayunman, naitala ang 25 panibagong namatay may kaugnayan sa COVID-19 kung saan umakyat na sa 828 ang COVID-19 related deaths sa rehiyon.