Plano ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council na irekomenda ang pagdedeklara ng state of calamity sa lalawigan ng Nueva Vizcaya para sa inaasahang rehabilitasyon sa lawak ng pinsalang iniwan ng supertyphoon Pepito sa probinsya.
Ayon kay PDRRMO Head King Webster Balaw-ing, patuloy ngayon ang pangangalap ng datos sa bawat bayan upang matukoy ang pinsala sa sektor ng agrikultura, imprastraktura at mga bahay na sinira ng bagyo.
Makatutulong ang deklarasyon upang magamit ng probinsiya ang kanilang calamity funds sa pagsasagawa ng relief operations at mapabilis ang paghahatid ng tulong sa mga apektadong residente lalo na sa mga nawalan ng tirahan na nasa evacuation center.
Apektado rin ang mga pananim na gulay sa probinsiya habang marami rin ang mga naitalang namatay na hayop dahil sa pagkalunod.
Kinumpirma rin ni Balaw-ing ang pagkasawi ng pitong miyembro ng pamilya matapos matabunan ng gumuhong lupa ang simbahan kung saan sila lumikas sa Brgy. Labang sa bayan ng Ambaguio.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Angel Calanhi, 18; Maxcel Calanhi, 13; Balagan Calanhi, 16; Niko Tindaan, 14; Oscar Tindaan, 30; Jaymar Liwan, 12, at Janna Faith, Calanhi, 8-anyos.
Buhay namang narekober sa ilalim ng lupa ang tatlo pa nilang kaanak na agad dinala sa Region II Trauma and Medical Center.