Nagsagawa ng natural heritage mapping ang lalawigan ng Quirino bilang bahagi ng National Heritage Month 2024.
Isinagawa ang naturang aktibidad sa pamamagitan ng Provincial Tourism Office (PTO), sa pakikipagtulungan ng Municipal Tourism Offices ng anim na bayan ng lalawigan, Department of Education, at Philippine Information Agency.
Sa pamamagitan ng participative approach, ang mga cultural mappers ay nagsagawa ng exploration at documentation na may direktang partisipasyon ng mga barangay officials, mga residente, partikular na ang mga matatanda upang matukoy ang historical, social, cultural, at economic significance ng ilang cultural heritage sites sa lalawigan.
Kabilang sa mga isinailalim sa exploration ay ang Ganano Falls sa bayan ng Diffun, Banuar Cave sa bayan ng Cabarroguis, Claredita Falls sa bayan ng Aglipay, Governor’s Rapids sa bayan ng Maddela, Koronang Bato sa bayan ng Nagtipunan, at Barangay Mataddi sa bayan ng Nagtipunan.
Sinabi ng team leader na si Loida Mores Acacio ng Provincial Tourism Office na ang output document ay magiging bahagi ng national archive ng local assets ng probinsya ng Quirino.
Ipinaliwanag ni Acacio na ang natural na pamana ay tumutukoy sa kultural, historical, at likas na mga ari-arian na itinuturing na mahalaga at makabuluhan sa pagkakakilanlan at pamana ng isang bansa o komunidad.
Dagdag pa ni Acacio na ang lahat ng natuklasan ay pagsasama-samahin at isasama sa final report na ipapadala sa National Commission for Culture and the Arts.