Itinanghal na kampeon ang rescue team ng bayan ng Lasam sa ginanap na “RescueLympics” ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan sa ilalim ng Provincial Disater Risk Reduction Management Office (PDRRMO).
Nanguna ang Lasam rescue sa labing-tatlong Municipal Risk Reduction Management Offices (MDRRMOs) mula sa 29 na munisipalidad sa lalawigan, kasama ang Tuguegarao City na lumahok sa kompetisyon.
Nasungkit naman ng MDRRMO Baggao ang 1st Runner UP habang nasungkit ng CDRRMO-Tuguegarao ang 2nd Runner UP.
Pinatunayan ng bawat team ang kanilang kahandaan sa agarang pagtugon sa anumang uri ng pangangailangan, sitwasyon o emergency batay sa tema ng aktibidad na ‘Kahandaan Kakayahan para sa kaligtasan at kaunlaran ng Cagayan’.
Nag-uwi ng P100,000 ang kampeyon na team; P50,000 para sa 1st Runner UP at P30,000 sa 2nd Runner UP.
Una nang sinabi ni Govenor Manuel Mamba na mas lalo pang palakasin ang hanay ng PDRRMO bilang ahensiyang nagunguna sa pagtulong sa panahon ng kalamidad.
Tiniyak din niya na mas marami pang mga kagamitan at pagsasanay ang gaganapin para mas lalo pang mapahusay ang mga rescuers ng probinsiya.
Inihayag din ni Mamba na magbibigay ang pamahalaang panlalawigan ng tig-isang motorsiklo sa bawat MDRRMO para mapahusay pa ng mga ito ang kanilang pagtugon o pagrescue kung may sakuna.
Ibinahagi rin ng gobernador na nadagdagan ang pondo ng PDRRMO para sa susunod na taon.
Sinabi naman ni Ret. Gen. Harold Cabreros, director ng Office of Civil Defense Region 2 na siyang nagsilbing panauhing pandangal sa awarding ceremony na na-inspire siya sa ‘Rescuelympics’ ng Cagayan.
Dahil dito, asahan aniya ngayong buwan ng Hulyo bilang Disaster Risk Reduction Month ang pagkakaroon ng Regionwide RescueLympics kung saan target namang sukatin ang team work ng mga MDRRMOs sa pagtugon sa isang kalamidad.
Samantala, nagkaroon rin ng presentasyon at ibinida ng iba pang ahensiya ng pamahalaan ang kanilang husay sa search and rescue tulad ng 505th Philippine Air Force.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad ang PNP, BFP, Philippine Army, Philippine Coast Guard at MBLT-10.
Ang matagumpay na aktibidad ay bilang bahagi pa rin ng selebrasyon ng Aggao Nac Cagayan.