Nanganganib masibak sa trabaho ang isang security guard na nahuli matapos magpaputok ng baril sa binabantayang simbahan ng Basilica Minore ng Our Lady of Piat pasado alas 10:00 ng gabi noong Linggo.
Ayon kay PSMS Arnel Basiuang, imbestigador ng PNP-Piat na nahaharap ngayon sa kasong illegal discharge of firearm at paglabag sa RA 10591 si Martin Macapallag, 21-anyos, stay-in security guard at residente ng Minanga Norte, San Pablo, Isabela.
Sinabi ni Basiuang na off duty ang suspek at nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin nang paputukin nito sa ere ang kanyang service firearm na kalibre .38 revolver at maswerteng walang tinamaan.
Sa pagresponde ng pulisya ay narekober sa lugar ang dalawang basyo ng bala ng cal. 38 at tatlong live ammunition nito.
Wala naman umanong nakaaway ang suspek subalit ayon sa mga kasamahan nito ay palagi umano itong naaasar sa mga trabahador ng isinasagawang konstruksyon sa simbahan.