Lasing umano kaya nagpaputok ng baril ang isang magsasaka habang naglalakad papauwi sa kanyang bahay sa Brgy. Capalalian, Pamplona, Cagayan.

Nahaharap sa kasong Alarms and Scandals at R.A 10591 o Illegal Possession of Firearms and Ammunition ang nahuling suspek na kinilalang si Roman Ginacaran, 44-anyos, may-asawa at residente sa naturang lugar.

Ayon kay PMAJ Llwelyn Guzman, hepe ng PNP-Pamplona, pasado alas 8:00 ng gabi nang makitang limang beses na nagpaputok sa itaas gamit ang cal.22 revolver ang suspek sa harapan ng bahay ng pamilya Mariscal.

Sa pagresponde ng pulisya ay naging pahirapan ang paghuli sa suspek makaraang tumakbo sa kagubatan ngunit nahuli rin kalaunan kasama ang itinapong baril na may tatlong live ammunition at limang empty shell.

Depensa ng suspek, hindi raw niya maalala ang kanyang ginawa dahil sa kalasingan habang wala namang nasaktan sa nasabing insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na dato nang kinasuhan ang suspek ng frustrated homicide sa pagkakasangkot nito sa pananaksak subalit iniurong lamang ng kanyang naging biktima ang naturang kaso.