Pormal nang sinampahan ng kaso ang isang pulis na lasing umano at nanampal ng dalawang construction worker sa bayan ng Sta Praxedes, Cagayan.
Ayon kay PLT Jong Sarmiento, officer in charge ng PNP-Sta Praxedes, bukod sa kasong administratibo ay nasampahan na sa piskalya ng 2 counts of “grave slander by deed” si PCPL Eufrecino Javier, Jr. na nakatalaga sa Sta Praxedes Police Station.
Ang naturang kaso ay nag-ugat sa pananakit ng suspek kina Johny Balanay, 23 anyos ng Union, Claveria at Fidel Tainggitan, 54 anyos na residente naman ng Brgy. Nagrangtayan, Sanchez Mira na kapwa nagtatrabaho sa ginagawang konstruksyon ng bagong tanggapan ng PNP-Sta Praxedes na malapit lamang sa PNP-station kung saan naka-duty ang suspek na pulis.
Sinabi ni Sarmiento na bago ang pananakit ng suspek noong Miyerkules, July 20 ay pinauwi nila ito para makapagpahinga matapos itong masangkot sa aksidente nang maibanggga nito ang kanyang sasakyan sa canal.
Subalit laking gulat na lamang nila nang malaman ang pangyayari ng pananampal ng pulis sa dalawang biktima na hindi agad nakapagreklamo at kinaumagahan na nang malaman ng pulisya nang ma-upload na ang video ng isang concerned citizen sa social media.
Makikita sa video na unang hinampas ni PCPL Javier si Tainggitan sa kanyang ulo gamit ang kanyang kamay at sinipa habang nang tumayo na ang biktima ay sinampal pa niya ito gamit ang kanyang tsinelas nang tanggihan nito ang alok na sigarilyo dahil hindi naman aniya naninigarilyo ang biktima.
Hindi na nakita sa video ang pananakit ng pulis sa 23-anyos na biktima na una nitong hinampas sa dibdib at sinabunutan.
Nabatid na si PCPL Javier ay naka duty sa mga oras na nangyari ang insidente at sa nakuhang video ay hindi siya nakasuot ng uniporme at siya rin ay lasing.
Ayon pa kay Sarmiento na bago pa lamang naitalaga sa PNP Sta Praxedes si Javier na ika-limang PNP station na nilipatan niya kung saan una itong naitalaga sa kanyang bayan sa Sta Ana, Gonzaga, Claveria at Sanchez Mira at hindi rin ito nagtatagal na ang nakikitang dahilan ay ang kanyang bisyo sa alak.
Samantala, una nang sinabi ni PCAPT Isabelita Gano, tagapagsalita ng PNP Cagayan na hindi kukunsintihin ng pamunuan ng Cagayan Police Provincial Office ang ganitong uri ng asal ng mga pulis na dapat ay naglilingkod at nagtatanggol sa mga mamamayan.