TUGUEGARAO CITY-Ilulunsad sa araw ng Lunes kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ang “Project LATA O Latang Alkansya ,Tulong Ayuda para sa mga mag-aaral” ng isang Non-Government Organization (NGO) katuwang ang Cagayan Police Provincial Office (CPPO).
Ayon kay Mark Djeron Tumabao ng Rotaract club of Tuguegarao Citadel, layon ng proyekto na tulungan ang mga mag-aaral maging ang mga eskwelahan kasabay ng new normal sitwasyon dahil sa covid-19 pandemic.
Aniya, ang lata na mula sa kanilang organisasyon at sa CPPO ay ilalagay sa 29 na police station at ibat’-ibang dibisyon ng Cagayan-PNP.
Sinabi ni Tumabao na ang maiipon na pera sa bawat Police station ay ibibigay sa mga mapipiling mag-aaral , eskwelahan o mga grupo ng mga kabataan bilang tulong sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa buwan ng Agosto.
Magbibigay naman ang naturang organisasyon maging ang CPPO ng award sa mga police station na may pinakamalaking maiipon sa kanilang mga lata.
Nabatid na buwan pa sa sana ng Marso inilunsad ang naturang proyekto, ngunit dahil isinailalim sa enhance at general community quarantine ang probinsiya bilang pag-iingat sa virus, ito ay pansamantalang naudlot.