Muling nagbabala si P/Lt. Col. George Cablarda, hepe ng Tuguegarao City Police Station laban sa mga pulis na nagmomotor nang hindi naghehelmet gayundin sa kanilang backrider.

Sa panayam ng Bombo Radyo, ikinalungkot ni Cablarda na nakikita niya sa social media ang mga larawan o video na mismong mga tagapagpatupad pa ng batas ang nangungunang lumalabag sa “No Helmet, No Travel Policy”.

Upang matiyak ang mahigpit na implementasyon sa naturang batas, umapela si Cablarda sa lahat ng miyembro ng pulisya, Traffic Management Group na pangunahan ang naturang kampanya.

Bukod sa delikado ang pagmomotor nang walang suot na helmet, nababawasan ang sinseridad ng “No Helmet, No Travel Policy” kung ang mismong law enforcers pa ang lalabag dito.

Dagdag pa ni Cablarda na mahaharap sa kasong administratibo ang sinumang pulis o TMG na lalabag sa naturang direktiba.

-- ADVERTISEMENT --

Hinikayat din ng opisyal ang publiko na magsumbong sa kanilang tanggapan sa anumang mga paglabag at tiniyak ni Cablarda ang agarang aksyon ng pulisya laban sa mga pasaway na pulis.