
Umabot na sa 7.4 meters o alarm level ang lebel ng tubig sa Buntun Bridge sa Tuguegarao City, batay sa pinakahuling monitoring ng Task Force Lingkod Cagayan- Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) alas-dos ng hapon ngayong Huwebes.
Ayon kay Task Force Lingkod Cagayan head Arnold Azucena, hindi na madaanan ang Overflow Bridge dahil sa pag-apaw ng tubig.
Ilang pangunahing kalsada sa lungsod ang hindi rin passable, kabilang ang Gunnacao Street corner Taft Street sa likod ng Bombo Radyo, Bonifacio Street malapit sa River Bank Panciteria, Aguinaldo Street sa Eco Park, at Teresita Boulevard corner Del Pol Street.
Patuloy ang pagbabantay ng mga awtoridad dahil posibleng lalo pang tumaas ang tubig dulot ng malakas na pagbaba ng tubig mula sa tributaries ng Sierra Madre.
Kasabay nito, nagpapatuloy rin ang light to moderate rains sa probinsya.
Dagdag pa rito, sinabi ni Azucena na 24/7 ang monitoring ng kanilang ahensya lalo na sa posibleng epekto ng papalapit na bagyo na posibleng tumama sa direksyon ng Cagayan.
Nananatili namang nakataas sa blue alert status ang operasyon ng Cagayan PDRRMC, na nangangahulugang activated na ang Bravo Protocol.
Dahil dito, inaatasan ang lahat ng response cluster na maging handa at tiyakin na nakahanda ang lahat ng rescue asset para sa agarang pagtugon sakaling lumala ang sitwasyon.