
Umabot na sa 10.6 metro ang lebel ng tubig sa Buntun Bridge sa Tuguegarao City, batay sa pinakahuling monitoring nitong alas-10 ng gabi.
Bunsod nito, patuloy na isinasagawa ng lokal na pamahalaan ang force evacuation sa mga residenteng naninirahan sa mga mabababang lugar at malapit sa ilog.
Ayon sa mga awtoridad, posible pang tumaas ang tubig sa mga susunod na oras bunsod ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan na nararanasan hindi lamang sa Tuguegarao kundi maging sa mga karatig-probinsya.
Bilang pag-iingat, kanselado na ang lahat ng klase sa lahat ng antas—kabilang ang Law, Medicine, at Graduate School, sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong lungsod.
Nagpatupad din ng liquor ban ang lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaayusan habang tumutugon ang mga emergency personnel sa mga apektadong lugar.
Patuloy ang paalala ng mga otoridad sa mga residente na manatiling alerto, makinig sa mga opisyal na anunsyo, at iwasang bumalik sa mga lugar na lubhang delikado.










