Nagsagawa ang Commission on Human Rights (CHR) RO2 ng isang lecture-forum para sa mga media practitioners bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Human Rights Consciousness Week at upang gunitain ang ika-76 anibersaryo ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR) na unang ipinahayag noong Disyembre 10, 1948.

Layon nitong mapalawak ang kaalaman ng mga miyembro ng media hinggil sa karapatang pantao at ang kanilang mahalagang papel sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol dito.

Ayon kay Atty. Jimmy Baliga, CPA Regional Director ng CHR-RO2, ang media ay may napakahalagang papel hindi lamang bilang tagapag-ulat, kundi bilang tagapagtanggol ng katotohanan.

Ayon sa kanya, higit pa aniya sa simpleng pagbabalita, sapagkat ang media ang tumatayong tulay upang maiparating ang mga isyu ng mga marginalized sector ng lipunan sa mas malawak na publiko.

Ipinaliwanag din ni Atty. Baliga ang tungkol sa mga kaso ng extra judicial killings kung saan may 120 kaso ng pagpatay ang naitala sa rehyion dos na dumaan sa due process.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya napakahalaga na malaman at maunawaan ng lahat ang trabhao ng CHR pagdating sa pagkamit ng hustisya ng mga biktima ng ibat ibang kalse ng pang-aabuso.

Pinuri din niya ang dedikasyon ng media sa pagsusulong ng tamang impormasyon na pundasyon ng demokratikong lipunan, at hinikayat ang mga ito na patuloy na gampanan ang kanilang tungkulin nang may integridad at pananagutan.

Samantala, ibinahagi naman ni Atty. Rory Valera, ang mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng human rights defenders, kabilang ang mga banta sa kanilang seguridad at kalayaan.

Binigyang-diin nya ang kahalagahan ng kanilang gawain bilang tagapagtaguyod ng dignidad, katarungan, at pantay na karapatan para sa lahat kaya Hinikayat nila ang mga ito na ipagpatuloy ang kanilang mahalagang papel sa pagbibigay-boses sa mga nasa laylayan ng lipunan at sa pagtindig para sa katotohanan at hustisya.

Nanawagan ang CHR sa patuloy na kooperasyon ng media upang maitaguyod ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng karapatang pantao bilang pundasyon ng isang makatarungan at mapayapang lipunan habang tinitiyak na walang paglabag sa kahit anung karapatang pantao.