
Inihayag ni Vice President Sara Duterte na naghahanda ang kanyang mga abogado para sa posibleng paghahain ng bagong impeachment complaint laban sa kanya kahit pa pinagtibay ng Korte Suprema ang ruling nito noong 2025 na unconstitutional ang reklamo.
Ayon kay Duterte na ngayon ay nasa Netherlands para bisitahin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi naman tumitigil ang kanyang legal sa paghahanda buhat pa noong huling quarter ng 2023.
Sinabi niya na ito ay dahil nakakasiguro siya na may mga maghahain pa rin ng impeachment complaint laban sa kanya hanggang sa matapos ang kanyang termino.
Inanunsyo kahapon ng Korte Suprema na ibinasura ng SC En Banc sa pamamagitan ng unanimous vote, ang motion for reconsideration na inihain ng Kamara, na humihiling na baligtarin ang desisyon na nagdedeklara na labag sa Saligang Batas ang articles of impeachment laban kay Duterte.
Matatadaan na tatlong impeachment complaints ang inihain laban kay Duterte noong December 2024, kung saan lahat ay may kaugnayan sa hindi umano tamang paggamit ng kanyang confidential funds.
Una rito, sinabi ni House public accounts panel chairperson Terry Ridon of the Bicol Saro party-list, na magiging prayoridad lamang ng mga mambabatas ang isyu ng posibleng bagong impeachment complaint laban kay Duterte sa mismong araw o pagkatapos ng Pebrero 6, basta’t ito ay legal na mahahain.










