Kinuwestyon ni Atty. Egon Cayosa, presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang legalidad ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga gumagamit ng vape.

Sinabi ni Cayosa na dapat na nakabase sa batas ang gagawing paghuli sa mga gumagamit ng vape sa pampublikong lugar at hindi ibabatay lamang ito sa Executive Order.

Bukod dito, sinabi ni Cayosa na hgindi maaaring magsagawa ng pag-aresto kung walang court order lalo na sa issue ng vaping.

Kasabay nito, pinuri ni Cayosa ang pamunuan ng PNP dahil sa naging hakbang ng PNP na paglalabas ng pahayag na hindi aarestuhin ang mga gumagamit ng vape sa halip ay pagsasabihan lamang ang mga ito.

Ayon sa kanya, maaaring nakita ng PNP na maaaring sila ang babalikan ng mga aarestuhin dahil sa vaping.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, iminungkahi ni Cayosa na dapat gumawa ng batas ang kongreso para ma-regulate o ipagbawal ang vape.

Naniniwala si Cayosa na maganda ang layunin ng hakbang ng pangulo para sa kalusugan ng bawat mamamayan subalit kailangan na may batayang legal sa pag-aresto sa mga gagamit ng vape.