
Isinapubliko ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang tinawag niyang “Cabral files” na naglalaman ng detalye ng alokasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula 2023 hanggang 2026.
Ayon kay Leviste, ang mga dokumento ay ibinigay umano sa kanya ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Ipinost niya ang mahigit 60 screenshots sa kanyang Facebook page noong Pasko.
Batay sa mga dokumento, umabot sa mahigit P3.5 trilyon ang kabuuang alokasyon ng DPWH para sa mga rehiyon, lalawigan at kongresyonal na distrito.
Sinabi ni Leviste na katumbas ito ng humigit-kumulang P130,000 kada pamilyang Pilipino.
Ipinaliwanag niya na ang naunang inilabas niyang files ay para lamang sa 2025 DPWH allocations per district, na may “allocable” na P401.3 bilyon at lumobo umano sa P1.041 trilyon dahil sa tinawag na “outside allocable.”
Ayon sa bagong datos, Region III (Central Luzon) ang may pinakamalaking alokasyon mula 2023 hanggang 2026 na P406.927 bilyon.
Sinundan ito ng Region IV-A (Calabarzon) na may P341.876 bilyon, at Region V (Bicol) na may P272.366 bilyon. Ang NCR ay may P231.412 bilyon.
Ipinakita rin sa screenshots ang pinakamalalaking alokasyon kada distrito.
Sa Metro Manila, nanguna ang Taguig City 1st District na may P18.433 bilyon, sinundan ng Quezon City 4th District at Valenzuela 1st District.
Sinabi ni Leviste na ang mga datos ay base sa impormasyong ibinigay ng DPWH, may pahintulot umano ni DPWH Secretary Vince Dizon, at tugma sa mga dokumentong isinumite sa budget deliberations.
Nilinaw niya na ang mga halaga ay para sa capital outlays ng local projects lamang at hindi pa kasama ang Personnel Services, Maintenance and Other Operating Expenses, at foreign-assisted projects.
Dagdag niya, kasama rin ang proposed 2026 budget, kaya maaari pa itong magbago matapos ang proseso sa Kongreso at bicameral conference committee.
Hinamon ni Leviste ang mga nagdududa na dumulog sa DPWH upang kumpirmahin ang inilabas na datos.










