
Inireklamo ng Philippine Fencing Association (PFA) President Rene Gacuma si Leyte Rep. Richard Gomez ng pananakit.
Nangyari umano ang insidente habang nasa Thailand ang delegasyon para sa kasalukuyang 33rd Southeast Asian Games.
Ayon sa sulat na ipinadala ni Gacuma kay Philippine delegation chef de mission Dr. Jose Raul Canlas, inatake at pinagmumura umano siya ni Gomez matapos niyang kamayan ang kongresista, kasunod ng pagkapanalo ng silver medal sa kaniyang event.
Sa halip na tanggapin ang pakikipagkamay, inapakan umano ni Gomez ang paa ni Gacuma, pinisil ang kaniyang hinlalaki, at pinagmumura ang PFA president.
Binulyawan pa raw siya ni Gomez habang kinukuwestiyon kung sino ang nagbigay sa kaniya ng otoridad na palitan ang ilang atleta.
Batay sa salaysay ni Gacuma, nang makawala siya ay sinundan pa siya ni Gomez at sinuntok sa batok.
Bagaman tuluyan nang lumayo ang fencing official, sinaktan pa rin umano siya ng kongresista habang nasa medical station.
Nag-ugat umano ang komprontasyon sa desisyon ni Gacuma na palitan ang national athlete na si Alexa Larrazabal sa women’s individual epee event, dahil umano sa kabiguan nitong magsumite ng tamang dokumento, palaging pagliban sa training, at iba pang kadahilanan.
Ipinalit kay Larrazabal ang atleta na si Hannie Abella.
Ayon kay Gacuma, plano rin niyang magsampa ng kaso laban sa kongresista, ngunit sa ngayon ay kumukonsulta pa siya sa kaniyang legal counsel.










