TUGUEGARAO CITY-Puspusan ang ginagawang contact tracing ng Local Government Unit(LGU)-Allacapan matapos magpositibo sa Coronavirus disease 2019 (covid-19) ang isang meat vendor.

Ayon kay Mayor Harry Florida ng Allacapan,bago nagpositibo sa virus ang nasabing meat vendor, unang nagpositibo ang isang nurse kung saan mayroon pa itong nakasalamuha na 33 katao kasama ang meat vendor.

Aniya, batay sa isinagawang rapid at swab test sa kanyang mga nakasalamuha tanging ang meat vendor ang nagpositibo sa covid-19.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng contact tracing ang LGU-Allacapan kung saan nasa 53 katao ang kanyang nakasalamuha at nakatakdang sumailalim sa swab test sa araw ng Lunes, Nobyembre 9,2020.

Sa ngayon, kasalukuyang minomonitor sa Cagayan Valley medical Center (CVMC) ang nurse na asymptomatic habang nasa quarantine facility ang meat vendor na may iniinda umano sa kanyang lalamunan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang bayan ng Allacapan ay nakapagtala na ng tatlong kumpirmadong kaso ng virus kabilang ang nurse at meat vendor.

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ni Florida ang publiko na sumunod sa mga ipinapatupad na health protocols laban sa covid-19.

Tinig ni Hary Florida

Samantala, pinagpaplanuhan na umano no Mayor Florida na maglabas ng executive order para ipagbawal ng pangangaroling at gatherings sa kanyang nasasakupang lugar.