Patuloy na pinaghahanap ng pulisya ang suspek sa pamamaril sa isang empleyado ng gubyerno, kagabi sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Sa ulat ng Baggao Police Station, kinilala ang biktima na si John Paul Cariño, 34-anyos, may asawa, LGU employee at residente ng Brgy. Tallang habang ang suspek ay si Paquito Roa, nasa tamang edad, negosyante at residente ng Poblacion, Baggao.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng pulisya, nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin ang biktima nang dumating ito sa warehouse ng kanyang byenan sa Brgy Tallang.
Dito umano niya nakita ang suspek na nakikipag-inuman sa kanyang biyenan, kasama ang isa pa.
Kinutya o ininsulto umano ng biktima ang suspek bago tuluyang umalis sa lugar.
Sinundan naman ng suspek ang biktima sa labas ng warehouse at sinabihan ito na sundan siya bago sumakay sa kanyang sasakyan na papuntang Brgy San Jose, kasama ang isa pang lalaki.
Subalit pagdating pa lamang sa Zone 2, Brgy Tallang ay pinaputukan ng dalawang beses ng suspek ang biktima na nakasakay sa kanyang motorsiklo ngunit hindi ito natamaan.
Narekober ng pulisya sa lugar ang dalawang basyo ng cal.45 na baril habang patuloy na ginagalugad ng pulisya ang posibleng mga lugar na maaaring pinagtaguan ng suspek.