TUGUEGARAO CITY-Inaresto ang isang Local Government Unit(LGU)employee ng Sta Teresita matapos paputukan ng baril ang mga rumespondeng kapulisan sa isang kaguluhan sa nasabing bayan.

Ayon kay Pcapt.Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP-Sta Teresita, nagkaroon ng kaguluhan sa barangay Buyun kung saan sangkot ang suspek na si Melecio Rosal,40-anyos.

Una rito, nag-iinuman umano ang suspek kasama ang kanyang mga kapitbahay nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan na sanhi ng kaguluhan.

Dahil dito, kinuha ng suspek ang kanyang baril na calibre 45 sa kanilang tahanan na malapit lamang sa lugar kung saan sila nag-iinuman.

Ngunit, bago pa makabalik ang suspek ay dumating na ang mga miembro ng kapulisan para rumesponde sa natanggap na kaguluhan.

-- ADVERTISEMENT --

Nang makita ng suspek ang mga pulis ay bigla umano silang pinaputukan ng baril at mabilis na tumakbo.

Maswerte namang walang nasaktan sa mga pulis at agad na hinabol ang suspek kung saan kanilang naabutan sa mismong bakuran nito.

Bigo namang makuha ang baril dahil naitago na ng suspek bago pa man ito mahabol.

Depensa ng suspek, aksidente niya lamang nakalabit ang kanyang baril nang makita ang kapulisan at dala na rin umano ng kanyang kalasingan.

Kaugnay nito, sinabi ni Gabatin na isa sa kanilang tinitignan maaring kaharapin ng suspek ay ang kasong alarm and scandal.

Tinig ni Pcapt. Ranulfo Gabatin