Ipinagmalaki ng Ilagan City sa Isabela ang kanilang mga ginagawang hakbang upang lalo pang mapataas ang prduksion ng mais at kita ng mga magsasaka sa kanilang lugar.
Sinabi ni Mayor Jose Marie Diaz, nagsasagawa sila ng business matching sa local investors ng lungsod sa mga multi-national investors para sa processing ng mais sa feeds na para pakain sa livestocks.
Bukod dito, plano din nila na gawin nang tatlong beses ang pagtatanim ng mais at ang mga silage ay gagawing pakain din sa mga livestocks.
Ayon sa kanya, ang pagpapalaki pa ng processing ng raw materials ay upang hindi na nila kailangan na ilabas ang kanilang produkto sa ibang lugar na ibabalik din sa kanilang lungsod na mga feeds na at mas mahal ang presyo.
Sinabi niya na ang mithiin ng kanilang mga hakbang ay ang maisulong ang forward integration upang mapanatili ang pagiging top producer ng mais sa buong bansa.
Idinagdag pa niya na sa pamamagitan nito ay mapapaunlad din ang kanilang livestock industry, dairy industry at maging ng chicken industry dahil sa magmumula na sa kanilang lugar mismo ang mga pakain sa mga ito.
Sinabi ni Diaz na sa ngayon ay may itatayo pang isang feed mill complex sa lungsod na nagkakahalaga ng P1.8b.