TUGUEGARAO CITY-Nakapaglagak ng anim na kagyat na solusyon ang Local Government Unit (LGU)-Solana kasama ang iba’t -ibang lider ng mga magsasaka, kooperatiba at mga ahensiya ng gobyerno para sa mga magsasaka na apektado sa pagbagsak ng presyo ng palay dahil umano sa Rice Tarrification Law.
Ayon kay Father Gary Agcaoili , Parish Priest ng Solana,Cagayan, ilan sakanilang napag-usapan kahapon kasabay ng kanilang pagpupulong ay ang paghahanap ng warehouse sa Solana kung saan una ng inihayag ni 3rd District Jojo Lara na siya ang sasagot sa renta.
Aniya, ito ay para mas madami ang mabibili ng National Food Authority (NFA) na aning palay kung saan ilan sa kanilang unang nakitang warehouse ay kwalipikado sa naturang ahensiya.
Nagpahayag din umano ang ilan sa mga millers na dumalo sa naturang pagpupulong na bibilhin na nila ang mga sariwang palay ng mga magsasaka.
Napakagandang hakbang aniya ito para sa mga magsasaka lalo na’t madalas makaranas ng pag-uulan ang probinsiya.
Bukod dito, sinabi ni Father Agcaoili na nakipag-ugnayan na sila sa mga abogado sa rehiyon para magpagawa ng sulat na ibibigay sa landbank of the Philippines upang umapela na pagbigyan ang “grace period” ng mga utang ng mga magsasaka.
Sinabi ni agcaoili na nitong darating na Oktubre 25, 2019 ay pass due na nang loan ng mga magsasaka ngunit dahil sa pagbaba ng presyo ng palay ay kapos ang mga magsasaka na bayaran ang kanilang mga utang kung kaya’t kailangan ang naturang sulat para hindi na lumaking naturang utang.
Inihayag din umano ng department of Agrarian Reform na mayroong pondo ang ahensiya para sa mga Vegetable farm na makakatulong din sa mga magsasaka.
Gagawa rin ng hakbang ang Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) kung saan magtutungo din ang ilan sa kanilang mga tauhan sa bayan ng Solana para magkaroon ng skills training sa mga magsasakang gustong matututo.
Layon nitong makahanap ng ibang pagkakakitaan ang mga magsasaka bukod sa pagtatanim.
Panghuli sa kanilang napag-usapan, sinabi ni Father Agcaoili na ipapamulat sa mga mag-aaral lalo na ang mga nsa elementarya at sekondarya ang kasalukuyang nangyayari lalo na ang pagbagsak sa presyo ng palay.
Layon nitong pahalagahan ng mga kabataan mga perang ibinibigay ng kanilang mga magulang at huwag gastusin sa walang kabuluhang bagay.
Kaugnay nito,umaasa si Father Agcaoili na matutulungan ang mga magsasaka sakanilang pagkalugi.