TUGUEGARAO CITY-Muling pupulungin ng Local Government Unit(LGU)-Solana ang mga lider ng magsasaka, kooperatiba, traders at iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno katuwang ang simbahan sa araw ng Huwebes.
Ito ay para himayin ang mga lumabas na problema sa nauna nang pagpupulong na isinagawa ukol sa epekto ng Rice Tarrification Law sa nasabing lugar.
Ayon kay Father Gary Agcaoili, Parish Priest sa bayan ng Solana , pag-uusapan ang bubuoing agricultural road map na maaring makatulong sa mga magsasaka na nakakaranas ng pagkalugi dahil sa pagbaba ng pagbili ng palay dahil sa umano’y nasabing batas.
Aniya, layon ng pagbuo ng road map na kahit papaano ay magkaroon ng munting solusyon para tulungan ang mga magsasaka sa pagbagsak ng presyo ng palay kung sakali man na hindi babawiin ang Rice Tarrification Law.
Samantala, sinabi ni Father Agcaoili na una na rin umanong nagpahayag si 3rd District Congressman Jojo Lara na magbibigay siya ng tulong pinansyal para makapagrenta ng warehouse sa bayan ng solana na gagamitin ng National Food Authority(NFA).
Ito ay matapos ihayag ang kakulangan ng warehouse at tauhan sa nasabing bayan.
Kaugnay nito, hinimok ni Father Agcaoili ang mga lider ng iba’t-ibang bayan sa lalawigan na dapat magkaroon din ng pag-uusap sa kanilang mga panig para mabigyan ng solusyon ang problema ng mga magsasaka ukol sa mababang presyo ng kanilang mga aning palay.