Tuguegarao City- Nakatakdang pagkalooban ng financial assistance ng LGU Sta. Ana ang pamilya ng dalawang batang nasawi kabilang ang kanilang ama na nasa kritikal na kondisyon matapos malason dahil sa pagkain ng “Kuret”.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Mayor Nelson Robinion, hihilingin nito na pagtibayin sa pamamagitan ng isang resolution ang P30,000 na ibibigay ng LGU sa pamilya ng mga biktima.
Sinagot na rin aniya nila ang kabaong ng dalawang batang namatay bilang tulong dahil kabilang din sila sa listahan ng indigent families.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan ang LGU sa mga opisyal ng bawat barangay upang mamonitor at magpaalala sa mga residente upang maiwasan ang naturang insidente.
Samantala, sinabi ni Robinion na inaaalam na ng Municipal Agriculture Office ng Sta. Ana ang dahilan ng pagkamatay ng ilang mga baboy sa Brgy. Casambalangan bilang pag-iingat sa banta ng African Swine Fever (ASF)
Ayon sa kanya, hinihintay na lamang nila ang resulta ng mga kinuhang sample specimen mula sa mga baboy na nakitaan ng sintomas upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito.
Bilang pag-iingat sa banta ng ASF sa nasabing bayan, hindi pa rin pinapayagan ang paglabas-pasok ng mga meat and meat products sa kanilang lugar.