Patuloy ang ginagawang pagtulong at innovation ng local na pamahalaan ng Sta.Maria Isabela sa banga industry upang mas mapaganda at makilala pa ang kanilang produkto sa buong bansa.
Ayon kay Hilario Pagauitan municipal mayor ng Sta.Maria Isabela, kabilang ang kanilang produktong banga ang dahilan kung bakit mas nakakapanghikayat pa sila ng mga turista na bumisita sa kanilang lugar.
Dahil dito ay mas maraming pamilya ang nagkaroon ng hanapbuhay dahil madaming dumadayo sa kanilang lugar lalong lalo na noong panahon ng pandemya na nagkaroon pa sila ng shortage gawa ng madaming bumibili sa kanilang produkto.
Ipinagmalaki rin ni Paguitan na marami umanong pwedeng gawin sa kanilang produktong banga dahil hindi lang ito ginagamit na taniman o pang display dahil maaari rin itong gawing lutuan.
Samantala, bilang suporta ay inorganisa din ng kanilang local na pamahalaan ang mga pamilyang gumagawa ng banga bilang asosasyon at kooperatiba upang makakuha ang mga ito ng benepisyo hindi lang sa national government kundi pati na rin sa ibang sektor gaya ng DSWD at DOLE.
Pangalawa ay binibigyan rin ang mga ito ng financial assistance at tinutulungan rin silang mas mapabuti pa ang kanilang kakayahan partikular na sa paggawa ng mga bricks.
Plano din ng lgu na i-develop ang mga barangay na gumagawa ng banga tulad ng pagpapatayo ng mga bagong pasilidad gaya ng pasalubong center at pagpapaganda sa kanilang kalsada upang mas maipakilala pa ang kanilang produkto.
Sa ngayon ay nasa 25% o apat na barangay ang gumagawa ng mga banga bilang kanilang kabuhayan kabilang na dito ang Quinagabian, Poblacion 3, San Rafael at Poblacion 2.