
Pinalalakas ng lokal na pamahalaan ng Santa Teresita ang promosyon at pag-unlad ng eco-tourism ng bayan gayundin ang iba pang lokal na yaman sa pamamagitan ng taunang Namunit Eco-Tourism Festival.
Tampok sa tatlong araw na festival ang iba’t ibang aktibidad na naglalayong ipakita at ipagmalaki ang potensyal ng bayan, partikular sa larangan ng turismo.
Ayon kay Mayor Rodrigo de Gracia, kabilang sa mga eco-tourism site na dine-develop ng lokal na pamahalaan ang Bangalao Lake, kung saan matatagpuan ang Timmore Island—isang malaking bundok sa gitna ng lawa.
Sinabi ng alkalde na naglaan ang lokal na pamahalaan ng mahigit walong milyong piso para sa development ng naturang eco-tourism site.
Dagdag pa niya, isinusulong ng LGU Santa Teresita ang TIMMORE Island Project bilang bahagi ng pagpapalakas ng turismo at kabuhayan sa bayan.
Naitayo na ang sementadong kalsada mula sa super highway patungong lawa at nilagyan na rin ito ng 260 metrong pontoon bridge na nagdurugtong sa lakeshore at isla.
Kabilang din sa plano ang pagtatayo ng picnic groves, bird-watching platforms, lakeshore café na magsisilbing embarkation area, at event place sa port at park.










