TUGUEGARAO CITY-Muling nagbabala si Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano na kakasuhan ang sinumang indibidwal na makalulusot na pumasok sa lungsod nang walang travel pass.
Itoy kasabay ng utos ng alkalde na higpitan pa ang ipinapatupad na Quarantine Checkpoint sa tatlong borders papasok sa lungsod na sinimulan nitong Lunes.
Iginiit ni Mayor Soriano na kailangan ang paghihigpit matapos ang mga ulat na may mga indibidwal na nagsinungaling sa pinaggalingang lugar para lamang makalusot sa checkpoint.
Kaugnay nito, inatasan ng alkalde ang pulisya at City Health Office na agad sampahan ng kaso ang sinumang indibidwal na magtangkang pumasok nang hindi dumadaan sa mga protocols, lalo na sa mga lugar na may positibo pa ng COVID-19.
Sa katunayan, marami na rin ang nakasuhan at pinagmulta sa lungsod dahil sa mga paglabag sa quarantine protocols tulad ng hindi pagsusuot ng facemask, walang control pass, hindi pagsunod sa social distancing, pagsusugal at iba pa.
Samantala, handa na ang quarantine facility sa lungsod para sa mga nagbabalak umuwi sa lungsod sa ilalim ng Balik Probinsiya Program ng pamahalaaan.