
Naglatag ng mga hakbang ang pamahalaang panglungsod ng Tuguegarao upang mapanatili ang katatagan ng supply at maiwasan ang panic buying sa mga mamamayan sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo bunsod ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Mayor Maila Que, kanyang ipapatawag ang Price Control Council at makikipag-ugnayan sa mga may-ari ng gasoline stations, mga stakeholder, at mga ahensya ng gobyerno upang maglatag ng mga guidelines.
Kabilang dito ang pagbabawal sa pagbebenta ng sobrang dami ng gasolina, partikular na sa mga nagkakarga para sa mga sakahan at emergency needs.
Bukod dito, nag-order na rin ang city government ng mga solar-powered na patubig at mga hose upang matulungan ang mga magsasaka na makapag-irigasyon nang mas matipid sa gamit na petrolyo.
May plano na rin sa pagbibigay ng subsidiya sa mga transport sector, partikular sa mga tricycle at delivery riders, upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Hinihikayat ng alkalde ang lahat na huwag mag-panic at manatiling alerto
Inaasahan naman na ang mga hakbang na ito ay makatutulong upang mapanatili ang supply ng petrolyo at maiwasan ang mas malalang epekto ng pagtaas ng presyo sa ekonomiya ng lungsod.









