TUGUEGARAO CITY-Nanawagan ang Local Government Unit (LGU )- Tuguegarao sa mga nagpapautang at nagpapaupa sa lungsod na huwag munang maningil ng renta maging ang interest habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Luzon.
Ayon kay Tuguegarao Mayor Jefferson Soriano, marami sa mamamayan ang apektado dahil pansamantalang pagsara ng mga pinagtatrabahuang establishimento kung kaya’t tumigil na rin ang kanilang pinagkukuhanan para sa kanilang araw-araw na pangangailangan.
Aniya, mas lalong magiging mahirap ang kalagayan ng mga nangungupahan kung tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pagbabayad sa renta at interest ng kanilang tinitirhan at nautangan.
Sinabi ni Soriano na sa mga ganitong sitwasyon ay kailangan ang bayanihan at pagtutulungan ng bawat isa.
Bukod dito,nanawagan rin ang alkalde sa mga may kakayahang tumulong sa mga nangangailangan na makipag-ugnayan sa Lgu para maiparating ang tulong.
Samantala, bilang pag-iingat sa virus, pansamantalang hindi tatanggap ang LGU-tuguegarao ng mga kliyente simula sa araw ng lunes para obserbahan ang pangangalagi ng bawat empleyado sakanilang mga tahanan bilang pag-iingat sa covid-19.