Tinig ni Narciso Edillo

TUGUEGARAO CITY – Nanawagan ang Department of Agriculture (DA-Region 2) sa mga Local government unit (LGUs) na payagan ang mga magsasaka na mag-ani ng kanilang mga palay sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Ayon kay Narciso Edillo, executive director ng DA-Region 2, maaring masira ang mga palay kung hindi agad na maaani.

Aniya, kailangan lamang na maging limitado ang galaw ng mga magsasaka kung saan sa loob lamang ng kanilang lugar dapat silang mag-ani at hindi na pupunta pa sa ibang bayan.

Kailangan din na may suot na pantakip sa bibig bilang proteksyon sa virus at bawasan ang bilang ng mga mag-aani para maobserbahan pa rin ang social distancing.

Sinabi ni Edillo, kailangan mag-ani ang mga magsasaka para may magamit at makain ang taong bayan sa oras na maubos ang mga bigas na naka-stock.

-- ADVERTISEMENT --

Pinaalalahan naman ng director ang mga magsasaka na panatilihing malinis ang katawan para makaiwas sa anumang sakit lalo na sa covid-19.

Samantala, muling ipinaalala ni Edillo ang nakasaad sa memorandum circular number 7 ni Agricultural Sec. William Dar na lahat ng mga nagtatrabaho sa production area ay mayroong kaukulang dokumento para makalusot sa ipinatutupad na checkpoint.