Inaasahang magpapatuloy hanggang huling bahagi ng Linggo ang aberya sa biyahe sa himpapawid sa United States matapos maapektuhan ng malawakang kanselasyon at pagkaantala ng mga flight ang libo-libong pasahero dahil sa problema sa sistema ng air traffic communications.

Ayon sa Federal Aviation Administration (FAA), unti-unti nang bumabalik sa normal ang operasyon ng mga paliparan matapos ipatupad ang nationwide ground stop noong Biyernes na nagpahinto sa halos lahat ng departing flights sa loob ng halos limang oras.

Batay sa datos ng FlightAware, mahigit 6,150 flights ang nakansela at mahigit 7,300 ang naantala noong Sabado. Sinundan ito ng nasa 9,200 kanseladong flights at 7,500 delays noong Biyernes. Mahigit 530 flights naman na nakatakdang bumiyahe ngayong Linggo ang kanselado na rin.

Ipinaliwanag ni Transportation Secretary Sean Duffy na nagsimula ang problema matapos magkaroon ng aberya sa isang bagong router na ikinabit ng FAA contractor na L3Harris sa isang remote facility. Nagdulot umano ito ng sobrang daming connection attempts na nakaapekto sa komunikasyon ng air traffic control centers at mga eroplano.

Apektado ang 17 sa 22 en route centers ng FAA, na nangangasiwa sa mga eroplano habang nasa himpapawid. Gayunman, tiniyak ng mga opisyal na walang pasilidad na tuluyang nawalan ng operasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nagsasagawa pa ng karagdagang pagsusuri ang FAA at L3Harris upang matukoy ang sanhi ng problema at matiyak na hindi na ito mauulit. Humingi rin si Duffy ng 50-bilyong dolyar na pondo para sa pagsasaayos at modernisasyon ng air traffic control system ng Estados Unidos.