TUGUEGARAO CITY- Binigyan diin ni Magsasaka Partylist Representative Argel Cabatbat na dapat na bigyan ng libreng pataba o abono ang mga magsasaka sa gitna na rin ng pagtaas ng presyo ng mga fertlizer.
Sinabi ni Cabatbat na ito ang nakikita niyang solusyon upang hindi mawalan ng gana ang mga magsasaka sa kanilang pagtatanim ng palay at makaapekto sa supply ng pagkain sa ating bansa.
Iginiit niya na kawawa ngayon ang mga magsasaka dahil sa murang bilihan ng kanilang mga palay habang napakataas ng presyo ng mga abono na umaabot sa mahigit P2, 000.
Iminungkahi ni Cabatbat na dapat na dagdagan ang pondo ng Department of Agriculture para muling ibalik ang kanilang programa na libreng pataba.
Ayon sa kanya, dati na itong ginawa sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o ARCEF at Rice Resiliency program.
Sinabi niya na may malaking pondo ang pamahalaan at ang kailangan lamang na gawin ito ay iprayoridad ang sektor ng agrikultura sa paglalaan ng pondo.
Idinagdag pa ni Cabatbat na dapat na ipatupad na ang pamamahagi ng libreng pataba sa susunod na planting season upang matulungan ang mga magsasaka.
Sinabi pa ni Cabatbat na sa inihain niyang resolusyon na himihiling na imbestigahan ang pagtaas ng presyo ng abono ay nalaman nilang ito ay bunsod ng kakulangan sa supply na mula sa China.
Ayon sa kanya, nagsara na rin kasi ang ilang industriya na gumagawa ng abono at marami na ring kinukuha ang Australia kaya numipis ang supply at tumaas ang presyo.
Sinabi niya na nakadepende lang kasi ang ating bansa sa importasyon ng mga abono.
Gayonman, sinabi niya na batay sa pahayag ng DA, sapat umano ang supply ng mga abono.
Kasabay nito, sinabi ni Cabatbat na matagal ng problema ang diperensiya ng presyuhan ng abono sa merkado.
Reaksion ito ni Cabatbat sa pahayag ng ilang magsasaka na nabibili nila ang isang sako ng abono sa hanggang P2, 400 na mataas sa itinakdang presyo na P1, 700 hanggang P1, 900.
Samantala, sinabi ni Cabatbat na dapat na muling pag-aralan ang Rice Tarrification Law na isa sa idinadaing ng mga magsasaka na lalong nagpapahirap sa kanila dahil sa importasyon ng mga bigas.
Ayon sa kanya, dapat na isalba ang mga magsasaka sa halip na umasa na lamang ang bansa sa importasyon.