Inihain ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang panukalang batas na humihiling na magbigay sa mga pampublikong paaralan mula kinder hanggang Grade 12 at daycare centers ng libreng almusal na direktang manggagaling mula sa mga lokal na mangingisda at magsasaka.

Ang Free Breakfast Program and Sustainable Agriculture Act, isa sa mga ipinangako ni Pangilinan noong panahon ng pangangampanya sa 2025 midterm elections, ang isa sa pangunahing prayoridad na panukalang batas niya sa 20th Congress.

Sa ilalim ng panukalang batas, dapat na magbigay ng araw-araw na malulusog at fortified na almusal sa lahat ng mag-aaral sa mga public school, na nakatugon sa national dietary at nutritional guidelines na itinatakda ng Department of Health (DOH) at National Nutrition Council (NNC).

Kailangan din na 50 percent ng mga kailangan sa school feeding program ay direktang bibilhin sa accredited local farmers at fisherfolk, o sa kanilang cooperatives at associations.

Layunin nito na matiyak na sariwa, dekalidad ang mga produkto, suportahan ang lokal na ekonomiya, at ipatupad ang diwa ng Sagip Saka Act.

-- ADVERTISEMENT --

Ang Department of Education (DepEd) katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa daycare centers ang mamumuno sa pagpapatupad ng nasabing programa.