TUGUEGARAO CITY – Muling isinagawa ang libreng antigen testing sa Tuguegarao City na tinawag na COVID-19 Swab Cab na programa ng Office of the Vice President (OVP).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni City Councilor Atty Marjorie Martin Chan na magtatagal hanggang Biyernes, June 25 ng kasalukuyang taon ang muling pagsasagawa ng testing gamit ang antigen test kits sa mga economic frontliners ng lungsod na matatagpuan sa Tuguegarao City Commercial Center.
Ayon kay Chan, target nilang muli na maisailalim sa tests ang nasa isang libong economic frontliners na kinabibilangan ng mga tricycle drivers, mga nagtitinda sa palengke, at iba pang mga manggagawa.
Kalakip nito ang pamamahagi ng bigas at care kits sa bawat magpapa-swab habang may dagdag na kahalintulad na insentibo para sa sinomang magpopositibo sa nasabing swab test.
Sinabi ni Chan na ang pamimigay ng insentibo ay para mahikayat ang mga manggagawa na makiisa sa programa upang mapigilan ang hawaan ng virus.
Malaki aniya ang maitutulong ng antigen tests dahil kung sino ang magpositibo rito ay agad na sasailalim ng RT-PCR test.
Mas magiging mabilis din ayon kay Chan ang contact tracing at isolation ng mga nagkakasakit kung mas maaga at mas madaling matukoy ang mga COVID-19 positive.
Matatandaan na unang inilunsad ang naturang programa sa lungsod noong buwan ng Mayo sa pakikipag-ugnayan nina City Councilors Atty Chan at Maila Ting Que sa opisina ni Vice President Leni Robredo.
Sinabi ni Chan na sa 950 na isinailalim sa antigen test noong unang umarangkada ang SWAB Cab sa lungsod ay 40 na indibidwal ang nagpositibo na kaagad isinailalim sa RT-PCR test kung saan positibo rin ang resulta.
Kasama rin sa programa ang pamahalaang lungsod at City Health office ng Tuguegarao.