Minamadali na ng Department of Agriculture DA region 2 ang pagbibigay ng mga ayudang binhi sa mga magsasaka na naapektuhan ng pagbaha sa region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2, sinabi niya na nagsimula na silang magdeliver sa mga apektadong bayan sa Isabela at Cagayan.
Aniya, sisikapin nila itong matapos hanggang sa January 10, 2020.
Ayon kay Regional Executive Director Edillo, ang Municipal Agriculture Office (MAO) ang magbibigay ng binhi sa mga nailistang apektadong magsasaka.
Nilinaw din niya na ang mga bayan na naiulat na apektado lamang ang mabibigyan ng ayuda.
Inihayag din niya na nakausap na niya ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na palawigin ang cut-off ng kanilang pagtatanim hanggang January 15, 2020 para macover pa rin ang crop insurance ng mga magsasaka na muling magtatanim matapos masira ng kalamidad ang kanilang mga pananim.
Hinimok niya ang lahat ng mga magsasaka na isailalim sa crop insurance ang kanilang mga pananim dahil inaasahan ang madalang na pag-ulan.