Umarangkada na ngayong Huwebes ng umaga ang libreng shuttle services ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) sa mga commuters na may ‘valid reason’ na pupunta sa Tuguegarao City na galing sa kalapit na bayan.

Itoy bunsod ng pagsuspinde sa mga pampublikong transportasyon kaugnay sa ipinapatupad na Luzon-Wide Enhanced Community Quarantine dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni CPPO Provincial Director Police Colonel Ariel Quilang na ang libreng transport service ng PNP ay para sa mga frontline workers at mga residente sa bayan ng Peñablanca, Solana at Iguig na may mahalagang lakad sa Lungsod tulad ng pagbili ng pagkain, gamot at mga emergency situations.

Bago aniya sumakay, kailangan ng mga pasahero na ipa-check ang kanilang temperatura, mag-disinfect ng kamay gamit ang alcohol at oobserbahan din ang social distancing measures sa pag-upo sa truck ng PNP.

Hinikayat ni Quilang ang publiko na tawagan ang kanilang transport hotline sa numerong 0917-523-3562 para sa oras at lugar kung saan maaaring abangan ang libreng sakay papunta sa Tuguegarao City at pabalik sa kanilang mga bahay.

-- ADVERTISEMENT --

Bukas, March 20 ay nasa Peñablanca ang truck sa oras na alas 6:00 hanggang alas 7:00 ng umaga para ihatid ang mga commuters sa Tuguegarao City, at didiretso sa Solana, bago pupunta sa bayan ng Iguig.

Bago mag-alas otso ng gabi o bago ang curfew ay dapat naihatid na ng truck ang mga commuters sa kani-kanilang mga bahay.

Samantala, pinasalamatan ni Quilang ang mga pribadong kumpanya at stakeholders na namahagi ng snacks at medical kits sa COVID-19 frontliners na kinabibilangan ng pulisya na naka-destino sa mga checkpoint sa Cagayan.

Ayon pa kay Quilang, personal siyang namahagi ngayong araw ng mga bitamina sa mga pulis para mapalakas pa ang kanilang resistensya.

Nagbabala rin ang opisyal na aarestuhin ang sinumang lalabag at papalag sa pagsita sa ipinapatupad na curfew mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw para mas malimitahan ang galaw ng tao habang nasa ilalim ng community quarantine bilang hakbang para mapigilan ang pagkalat ng virus.