TUGUEGARAO CITY- Muling magbibigay ng libreng sakay para sa mga health workers at APOR ang Land Transporation, Franchising and Regulatory Board o LTFRB.

Sinabi ni Edward Cabase, director ng LTFRB Region 2, may inilaang pondo para sa rehion na P52M para sa service contracting sa mga lehitimong operator at kooperatiba.

Ayon kay Cabase, mas maliit ang pondo ngayon na inilaan sa nasabing serbisyo dahil ito ay nakapaloob na sa General Appropriations Act kumpara sa pondo sa ilalim ng Bayanihan Act.

Bukod dito, sinabi ng opisyal na hindi na ang mga drivers ang pipirma sa kontrata kundi ang mga presidente ng kooperatiba o ang mismong operator at sila na rin ang bahala sa kanilang nasasakupan.

Sa ngayon, sinabi ni Cabase na pitong kooperatiba ang nag-commit para sa nasabing programa, dalawa mula sa Isabela at apat mula sa Nueva Vizcaya.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi niya na dalawa na mula sa nasabing bilang ang nagsimula ng tumakbo at inaasahan na tatakbo na rin sa Lunes ang limang iba pa.

Kasabay nito, sinabi ni Cabase na maging ang mga traditional jeepneys ay makikinabang dito subalit inuuna muna sa ngayon ang mga may modernized vehicles at bus.

Ipinaliwanag ni Cabase na ang komputasyon sa pagbibigay ng pondo ay sa kung ilang kilometro ang tinakbo ng isang sasakyan, mayroon o wala itong sakay.

Idinagdag pa ni Cabase na ang kanilang target ay matapos ito hanggang buwan ng Disyembre subalit pinag-aaralan nila na paiksiin ito upang hindi magkaroon ng delay sa computation at maibigay ang bayad sa mga naka-kontrata upang magiging masaya ang mga ito sa Pasko.