Patuloy na namamahagi ng libreng vegetable seeds ang City Agriculture Office sa mga residente sa Tuguegarao City kasabay ng nagpapatuloy na enhanced community quarantine sa Luzon dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Nabatid sa LGU-Tuguegarao na bahagi ito ng emergency response ng lokal na pamahalaan sa krisis na dulot ng nasabing sakit.
Kabilang sa mga repacked vegetable seeds na ipinamamahagi sa mga indibidwal at barangay para sa kanilang vegetable garden ang kangkong, pechay, sili, talong, ampalaya, sitaw, atpb.
Target ng city government na mapanatili ang suplay ng mga gulay sa mga susunod pang buwan sa mga barangay at tahanan na may mga espasyo ng lupa na puwedeng taniman at may mga container, rooftop at vertical gardens.
Makipag-ugnayan lamang aniya ang mga residente sa mga opisyal ng Barangay sa pamamagitan ng hotline ng Barangay upang mabigyan ng libreng binhi.
Kung maaalala, March 17 ng hatinggabi nang maging epektibo ang lockdown sa buong Luzon alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.