
Ipinahayag ni Senate President pro-tempore Tito Sotto III ang pagkabahala sa pagkakaroon ng librong tumatalakay sa LGBT (lesbian, gay, bisexual, and transgender) community na ginagamit umano sa Grade 1 students sa pampubliko at pribadong paaralan.
Sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng Department of Education (DepEd), ipinakita ni Sotto ang naturang libro at kinuwestiyon kung angkop na bang talakayin ang ganitong paksa sa mga batang nasa unang baitang, na limitado pa ang pang-unawa sa mga sensitibong usapin.
Nilinaw naman ng senador na hindi niya layuning tuligsain ang ideolohiya o komunidad ng LGBT, kundi nais lamang niyang kuwestiyunin ang tamang edad kung kailan dapat ipakilala sa mga mag-aaral ang ganitong paksa.
Sa halip, iminungkahi ni Sotto na higit na bigyang-pansin sa mga aklat para sa Grade 1 ang mga paksang anti-bullying, mental health awareness at pag-iwas sa paggamit ng ilegal na droga.
Samantala, sinabi naman ni Senator Bam Aquino, sponsor ng panukalang budget, na tinatalakay rin sa mga paaralan ang iba’t ibang usaping may kaugnayan sa mga nabanggit na paksa.










