Muling magsasagawa ng pagsira ang Bureau of Internal Revenue Office no. 3 sa mga nakumpiskang napakaraming illicit o iligal na mga sigarilyo, alak at vapes.
Sinabi ni Atty. Maria Isabel Barcia, revenue district officer, marami pang nakaimbak sa kanilang mga bodega na mga iligal na mga nakumpiskang mga produkto na sisirain sa susunod na mga araw.
Ayon sa kanya, hinihintay na lamang nila ang pag-apruba at guidelines na ilalabas ng BIR commissioner para sa gagawing pagsira sa mga ito.
Una rito, nakibahagi ang nasabing tanggapan sa nationwide crackdown laban sa iligal na sigarilyo at alak, kung saan sinira ang libu-libong kahon ng nakumpiskang produkto sa Sanitary landfill ng Tuguegarao City kahapon.
Ang mga ito ay nakumspiska sa Tuguegarao, Sta. Ana, Cauayan, Alicia, at iba pang lugar.
Gamit ang shredder machine, isa-isang dinurog at tuluyang sinira ang mga nasabing produkto upang matiyak na hindi na ito muling maipagbibili.
Sinabi ni Barcia na umaabot sa mahigit P100 million ang halaga ng mga sinirang mgsa produkto ng BIR sa buong bansa.