
Naglunsad ng malawakang protesta ang libu-libong mamamayan ng Denmark at Greenland noong Sabado upang tutulan ang pahayag ni US President Donald Trump na nais mapasakamay ng Estados Unidos ang Greenland.
Sa Copenhagen, nagmartsa ang libo-libong demonstrador patungong US Embassy habang isinisigaw ang mga panawagang “Greenland is not for sale,” “Hands off Greenland,” at “No means No.” Ang ilan ay nagsuot ng pulang sumbrero na kahawig ng “Make America Great Again,” ngunit may nakasulat na “Make America Go Away.”
Sa Nuuk, kabisera ng Greenland, daan-daan naman ang nagprotesta na pinangunahan ni Prime Minister Jens-Frederik Nielsen. Nagmartsa sila patungo sa US consulate habang may dalang bandila at mga plakard na tumututol sa anumang pagkuha ng US sa kanilang teritoryo.
Ayon sa mga organizer, mahigit 20,000 katao ang dumalo sa protesta sa Copenhagen, halos katumbas ng buong populasyon ng Nuuk. Mayroon ding mga protesta sa iba pang bahagi ng Denmark.
Naging kontrobersyal ang mga pahayag ni Trump na mahalaga umano ang Greenland sa seguridad ng US dahil sa lokasyon at yamang-mineral nito, at hindi raw nito isinasantabi ang paggamit ng puwersa. Dahil dito, nagpadala ng mga sundalong Europeo sa Greenland ang Denmark.










