Tinatayang nasa P15 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam ng mga otoridad sa ikinasang buybust operation laban sa itinuturong lider at tatlong miyembro ng “Cyrus Drug Group” sa lalawigan ng Kalinga.

Kinilala ang lider ng grupo na si Cyrus Marngo, 35-anyos; at miyembro na sina Joey Marngo, 28-anyos; Ganipis Baggas, 34-anyos; at Deo Agod 23, driver at pawang mga residente sa bayan ng Tinglayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Col Job Russel Balaquit ng Kalinga Police Provincial Office na ang naturang grupo ay kabilang sa high value target na nasa listahan ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group na may operasyon sa National Capital Region at Kalinga.

Nakumpiska sa operasyon ang 100 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana na tumitimbang sa humigit-kumulang na 100 kilos.

Kabilang sa mga nasamsam sa umanoy mga bigtime pusher ang isang cal.45 na baril at ang sinakyang van.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Balaquit na taong 2013 nang naaresto sa Quezon City si Cyruz dahil sa pagdadala ng 40 kilo ng dried marijuana leaves subalit nadismiss ang kaso at napawalang sala ng korte noong 2017.

Nahaharap na ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.