TUGUEGARAO CITY- Handang-handa na ang Calvary Hills na isa sa mga popular na dinarayo ng mga deboto at mananampalataang Katoliko tuwing Semana Santa sa bayan ng Iguig,Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Father Elimar Abad, parish priest ng St. James The Apostles Church na inaasahan ang pagdagsa ng mga deboto ngayong Huwebes Santo hanggang Biyernes Santo sa pagsisimula ng visita iglesia.
Kasabay nito, sinabi ni Fr. Abad na nakalatag na rin ang mga isasagawang aktibidad ngayong araw tulad ng tradisyunal na washing of the feet na nagpapakita ng pagmamahal at kababaang loob ni Hesukristo na ipinasa niya sa kanyang mga apostol.
Habang sa Biyernes Santo ay magkakaroon ng station of the cross kada oras na magsisimula ng alas 6:00 ng umaga hanggang ala 1:00 ng hapon.
Samantala, handa na rin ang 150 volunteers para magbigay alalay at seguridad sa mga mananampalataya
Katuwang din ng simbahan ang ibat-ibang ahensiya ng gobyerno tulad ang Red Cross, Rural Health Unit, PNP at marami pang iba para mapanatili ang seguridad ng publiko.
Kasabay nito ay hinimok ni Fr. Abad ang mga mananampalataya na isabuhay at isapuso ang kagustuhang makapiling ang Panginoon.
Aniya ang Visita Iglesia ay hindi lamang katuwaan kung hindi panahon para makapagnilay sa mga naging sakripisyo ni Hesu Kristo.
Nagpaalala rin si Fr Abad sa mga deboto at mga vendors na iwasang magkalat ng mga basura sa lugar