
Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo, tagapangulo ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, ang panukalang batas na magbibigay ng lifetime validity sa mga identification card ng mga Persons with Disability (PWD).
Layunin ng hakbang na ito na maibsan ang hirap ng mga PWD sa paulit-ulit na pag-renew ng kanilang mga ID kapag nag-e-expire na.
Sa ilalim ng Senate Bill 1405, nais baguhin ni Tulfo ang Republic Act 7277 o ang Magna Carta for Persons with Disability upang gawing libre ang pagkuha ng PWD ID at magkaroon ito ng habambuhay na bisa.
Binanggit ni Tulfo na maraming PWD ang napipilitang gumugol ng oras, lakas, at pera para lamang makapag-renew ng kanilang ID, kahit pa sila ay may kapansanan. Ayon sa senador, hindi makatarungang dagdagan pa ang pasanin ng mga PWD sa ganitong paraan.
Kasalukuyang nakasaad sa Magna Carta for Persons with Disability ang mga benepisyo tulad ng 20% diskwento sa mga produkto at serbisyo, pati na rin ang pantay na oportunidad sa trabaho at edukasyon.
Giit ni Tulfo, mahalaga ang PWD ID dahil ito ang ginagamit ng mga PWD para matanggap ang kanilang mga benepisyo. Ang pagkakaroon ng expiration date umano ay nagiging hadlang sa tuloy-tuloy na paggamit ng mga pribilehiyong nakasaad sa batas.
Ilang kahalintulad na panukalang batas ang naihain na rin sa Senado at sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.










