TUGUEGARAO CITY-Lima ang naitalang nasawi sa lalawigan ng Cagayan dahil sa bagyong Paeng.
Kabilang sa mga ito ang mag-ama at isa nilang kaanak na nalunod sa bahagi ng kanilang gulayan na binaha sa Brgy. Pared, Alcala.
Ayon kay PMAJ Jorge Maribbay, hepe ng PNP-Alcala na dakong 2:00 ng hapon nitong Martes ay nag-inuman sa kubo ang mag-amang sina Felipe, 54-anyos at Jonathan Pulido, 30-anyos at isa pa nilang kamag-anak na si Renato Pabarejo, 55-anyos, pawang mga may-asawa at residente ng Zone 1, Brgy Agani.
Makalipas ang isang oras ay nagbangka ang tatlo at nagkayayaan na maglagay ng lambat upang manghuli ng isda sa bahagi ng kanilang gulayan na inabot ng pag-apaw ng Pared river.
Unang nakita ng isang magsasaka ang bangkay ng mag-ama na palutang-lutang malapit sa kanilang kubo kahapon ng umaga habang sunod namang narekober ang bangkay ng kanilang kaanak na nakita malapit sa pinaglagyan ng kanilang lambat.
Sinabi ni Maribbay na buong akala ng pamilya ay nasa kubo lamang ang mga biktima na hindi umuwi magdamag.
Ang mga naunang naitala na nalunod sa kasagsagan ng pagbaha ay ang lalaki na mula sa Amulung na nakita ang bangkay sa Ballesteros at isa rin sa Afusing Daga, Alcala.