Nailibing na ang lima sa siyam na nasawing agta bunsod ng aksidente sa Brgy. San Lorenzo, Lal-lo, Cagayan nitong gabi ng Sabado matapos na magpositibo sa antigen test ng covid 19.
Ang mga nasawi ay pawang mga katutubong “Agta” na kinilalang sina Aladin Oñate, Calrita Maganay, Duarte Oñate, Eric Oñate, May ann Martinez, Rosita Martinez, Charie Oñate, pawang mga nasa tamang edad, Elisa Martinez, 3 buwang gulang at Jeric Oñate, 10-taong gulang.
Ayon kay Vice Mayor Olivia Pascual ng Lallo, sinagot ng Local Government Unit ang pagpapalibing sa mga biktima habang nakatakda rin na ilibing ngayong umaga ang apat pang biktima na negatibo sa antigen test matapos na nagdesisyon ang kanilang pamilya na hindi na lalamayan ang mga ito.
Paliwanag niya, nagkalasog-lasog ang katawan ng mga biktima kaya’t mahirap ng maiayos sa dati ang kanilang mga itsura at ang payo umano ng embalsamador ay ilibing na rin agad.
Saad pa niya, batay sa pahayag ng Municipal Health Office ay mabilis ang pagkalat ng impeksyon sa ganitong kaso lalo na at close contact din sila ng mga nagpositibong kasamahan kayat nakikipag-usap ang LGU Lallo sa mga pamilya ng mga biktima kung lalamayan pa rin ba nila ang kanilang mga kaanak.