Inihayag ni Southern Leyte Gov. Damian Mercado na limang katao ang nasugatan habang 191 na bahay ang nasira kasunod ng 5.8 magnitude na lindol na yumanig sa bayan ng San Francisco kahapon ng umaga.
Sinabi ni Mercado na agad na magbibigay ng tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga taong naapektohan ng nasabing lindol.
Idinagdag pa ni Mercado na may bahay din na nasunog, at nasirang mga imprastraktura, tulad ng mga paaralan, barangay hall at tulay.
Sinabi ni Mercado na wala namang lumikas sa mga evacuation center sa kasalukuyan, batay sa report mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.
Ang 5.8 magnitude na lindol na tumama sa katubigan ng San Franciso, Southern Leyte kahapon ng umaga ay nagdulot ng pinsala sa mga lansangan at nagbunsod sa local government units na suspindihin ang mga klase.
Ang epicenter ng lindol ay nakita sa six kilometers sa silangan ng bayan ng San Francisco, at ito ay may lalim na 14 km.